#SusiNgNakaraan | SAN PEDRO ALONG THE RILES

#SusiNgNakaraan | SAN PEDRO ALONG THE RILES

Makalipas ang mahigit sa isang siglong pagseserbisyo sa mga San Pedrense, nakatakda nang isara sa Lunes ang kasalukuyang linya ng Philippine National Railways (PNR) na dumadaan sa ating lungsod. Ito ay upang magbigay-daan sa paggawa sa North-South Commuter Railway, isang urban rail transit system na magdurugtong sa New Clark City (Capas, Tarlac), National Capital Region, at Calamba, Laguna, at papalit sa kasalukuyang PNR Metro Commuter Line. Kaugnay nito, gaganapin ngayong Sabado ang huling biyahe ng PNR mula Alabang papuntang Biñan, habang sa Linggo naman ang huling biyahe mula Biñan papuntang Alabang.

Matatandaan na nagsimula ang serbisyo ng PNR sa Lungsod ng San Pedro noong panahon ng mga Amerikano. Taong 1908 nang buksan ng noo’y Manila Railroad (MRR) ang San Pedro Tunasan Train Station. Bahagi ito ng pagpapalawak ng serbisyo ng MRR mula Paco, Maynila papuntang Calamba, Laguna. Bukod sa San Pedro, nagbukas rin sa taong iyon ang mga istasyon para sa Balagbag (ngayo’y FTI Train Station), Sucat, Alabang, Muntinlupa, at Biñan. Simula noon ay naging bahagi ng kuwento ng pag-unlad ng San Pedro ang mga daangbakal na ito. Ayon kay dating Konsehal Susan Miranda, sa paligid ng mga riles noon nakatayo ang ilang taniman ng mga sampaguita na siyang isa sa mga pangunahing industriya noon ng San Pedro. Makikita ito sa paligid ng riles na nasasakupan ng Barangay Nueva at San Vicente.

Nasaksihan rin ng San Pedro ang paglawak ng serbisyo ng PNR. Isa ang San Pedro sa mga unang dinaanan ng Bicol Express nang buksan ito noong 1938. Taong 1970, bilang tugon sa mga nagaganap na jeepney strike sa Kamaynilaan, binuo ng PNR ang isang commuter service sa pagitan ng Manila North Harbor at Biñan, Laguna; napasama ang San Pedro sa mga naserbisyuhan nito. Makalipas ang dalawang taon, isinama ang San Pedro sa mga dadaanan ng bagong Metro Manila Commuter Service. Kalaunan, nakilala ito bilang itong Metroten at Metrotrak. Upang maserbisyuhan pa ang lumalaking populasyon sa San Pedro, itinayo rin sa dekadang ito ang Pacita Main Gate Train Station.

Taong 1972 nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos na itayo ang San Pedro-Carmona Commuter Line, isang daang-bakal na nagdudugtong sa Barangay Pacita at noo’y Carmona Resettlement Project (ngayo’y bayan ng General Mariano Alvarez) sa Cavite. Sa bisa ng Resolution No. 751 ng PNR Board of Directors, nagtayo ang PNR ng isang riles ng tren na dumaraan sa pagitan ng kasalukuyang Olympia Complex at Chrysanthemum Village papuntang San Jose, Carmona (ngayo’y bahagi ng GMA). Kalaunan, noong 1990, nagsampa ng reklamo ang Forfom Development Corporation laban sa PNR dahil diumano sa sapilitang pagkuha nito ng mga lupain ng pamilya Limcaoco (unang may-ari ng Olympia Complex) para mabuo ang Carmona Line; sa isang desisyon noong 2006, sinabi ng Korte Suprema na dapat magsagawa ng isang expropriation proceedings ang PNR upang malaman kung magkano ang dapat nilang bayaran sa Forfom Development Corporation.

Sa kasamaang palad, ang mga sunod-sunod na kalamidad at patuloy na pagkalugi ng PNR ang naging dahilan kung kaya unti-unting bumaba ang kalidad ng serbisyo nito. Dahil sa kakulangan ng mga tren, itinigil ng PNR ang Carmona Commuter Line noong 2006. Makalipas ang apat na taon, binaklas rin ng PNR ang mga riles nito. Sa kasalukuyan, bukod sa gagawing NSCR, inanunsyo rin ng PNR ang balak nitong muling ibalik ang serbisyo San Pedro-GMA Commuter Line.

Ikaw, anong kuwentong riles mo?

MGA SANGGUNIAN:

• “Corporate Profile.” n.d. Philippine National Railways. Accessed July 14, 2023. https://pnr.gov.ph/abou…/who-we-are/corporate-profile.html.
• Forfom Development Corporation vs. Philippine National Railways. 2008. Supreme Court of the Philippines. https://lawphil.net/…/juri2008/dec2008/gr_124795_2008.html
• Manila Chronicle. 1990. Metrotren Inaugural. Photo. https://www.flickr.com/photos/79691913@N05/9719461423/.
• Philippine Journal. 1990. MetroTrak. Photo. https://www.flickr.com/photos/79691913@N05/8416775188/.
• Philippine National Railways. n.d. “PNR Halts Alabang-Calamba Trips, Makes Way for North-South Commuter Railway.” Accessed July 14, 2023. https://pnr.gov.ph/…/345-pnr-halts-alabang-calamba….
• The Cablenews-American. 1908. “To Binan by Railway Soon: New Line to Open Very Shortly,” September 1, 1908. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/cana19080901-01.1.6
• Times Journal. 1973. Carmona’s Commuter Train. Photo. https://www.flickr.com/photos/fairlane/5542692950/.

#SanPedroTCAO
#UnaSaLaguna

Scroll to Top