Lingid sa kaalaman ng maraming San Pedrense ay isa ang ating bayan sa mga aktibong nakibahagi sa Himagsikang 1896. Ilang mga residente ng ating bayan ang nakilahok sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas. Kabilang rito ang isa sa mga itinuturing na bayani ng Himagsikan na nagmula rito sa San Pedro, si Antonino Guevara y Esteban.
Bagamat hindi naitala ang kanyang taon ng kapanganakan, sinasabing siya ay ipinanganak sa noo’y bayan ng San Pedro Tunasan noong ika-19 na siglo. Batay sa kanyang kathambuhay (autobiography), maaring sabihin na isa siya sa mga inquilino sa San Pedro na nangungupahan sa Hacienda ng lupang sakahan; kanila itong payayabungin sa tulong ng mga kasama o mga magsasaka na kanilang inuupaha para magtanim at mag-ani. Ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang diwang makabayan noong 1887, nang makadaupang-palad niya ang bayaning si Jose Rizal nang umuwi ito sa Pilipinas mula sa Europa. Dahil sa pang-aabuso ng noo’y tagapamahala ng Hacienda San Pedro Tunasan na si Jose Martinez Arrivas, lumipat siya ng tirahan sa Muntinlupa, kung saan naman siya inakusahan na nagmamay-ari ng kopya ng Noli Me Tangere.
Naging kasapi siya ng Katipunan noong Agosto 1896, at ginamit ang alyas na Matatag. Kasama siya sa mga lumikas patungong Caloocan nang madiskubre ang Katipunan, at napasali sa mga unang bakbakan ng Rebolusyon sa nasabing lugar. Bago bumalik sa San Pedro, ipinakalat niya sa mga bayan ng Pateros, Taguig, at Pasig ang balita ng pagsisimula ng Himagsikan. Matapos nito, saglit siyang nagtago sa Cavite sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo bago bumalik sa San Pedro upang itatag rito ang isang lokal na sangay ng Katipunan, ang Katipunang Matatag. Sa tulong ng capitan municipal (alkalde) ng San Pedro at kanyang kapatid na si Jose Guevara, pinangunahan nila ang mga San Pedrense sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo, tulad ng palihim na paggawa ng kanilang mga bolo at pagbibigay ng mga pagkain, gamot, at pera. Nanghikayat rin siya ng mga residente sa mga bayan ng Laguna para sumapi ang mga ito sa Katipunan. Nang mangyari ang mga kontrobersyal na kaganapan sa Kumbensiyon sa Tejeros, naging mensahero naman siya ni Andres Bonifacio sa kanyang mga pinagtitiwalaang Katipunero tulad nina Emilio Jacinto at Julio Nakpil. Makikita ito sa mga naging sulat ni Bonifacio kay Jacinto, kung saan binanggit ang kanyang pangalan (“M. Nlltcllñllc Gxqbnrn”) gamit ang cryptological code ng Katipunan (nasa larawan). Naging saksi siya sa pagdakip kay Bonifacio noong Mayo 1897, at sa isang liham kay Jacinto, doon niya sinabi na maglilingkod na lamang siya sa ilalim ng kanyang kababayan na si Heneral Paciano Rizal. Nang makubkob ng mga Kastila ang Cavite noong 1897, tumulong rin siya sa paglikas ng mga mataas na pinuno ng Katipunan sa Cavite patungong San Pedro.
Kalagitnaan ng taong 1897, nagsimula siyang maglingkod siya bilang tauhan ni Heneral Rizal. Inatasan siyang pangunahan paghahalal ng mga pamahalaang rebolusyonaryo sa mga bayan ng silangang Laguna. Sinundan niya sina Aguinaldo sa Biyak-na-Bato, at naglingkod sa kanya bilang mensahero. Habang nasa Hong Kong si Aguinaldo, bumalik siya kay Heneral Rizal at tumulong sa palihim na pag-oorganisa ng mga rebolusyonaryo sa Laguna; siya rin ang isa sa mga tumulong sa paglikas kay Apolinario Mabini mula Maynila patungong Los Banos, Laguna. Nang muling sumiklab ang Himagsikan matapos bumalik ni Aguinaldo noong Mayo 1898, tumulong siya kay Heneral Rizal na planuhin ang mga kampanyang pangmilitar ng mga Rebolusyonaryo sa Laguna. Sumama rin siya sa pagpapalaya ng Lipa (Batangas) at Sta. Cruz (Laguna) mula sa mga Espanyol. Lumipat siya sa Bicol upang maglingkod naman sa ilalim ni Heneral Vicente Lukban, at naging bahagi ng Kagawarang Pananalapi ng Unang Republika sa Ambos Camarines (ngayo’y mga lalawigan ng Camarines Norte at Camarines Sur). Sa mga panahong ito niya isinulat ang kanyang kathambuhay, ang History of One of the Initiators of the Philippine Revolution.
Bagamat hindi naitala ang kanyang naging mga aktibidad noong Digmaang Pilipino-Amerikano, masasabi na matapos nito ay bumalik siya sa San Pedro upang magsaka. Isa siya sa mga lumagda sa isang petisyon kay Secretary of War Elihu Root noong 1905 para sa kalayaan ng Pilipinas. Makalipas ang ilang buwan, nagsulat rin siya ng ilang artikulo na nagtatanong ng ilang paglilinaw patungkol sa pagtatangka ng Liga KALASAHA (Katipunang Laban sa Hacienda) na ihabla ang Hacienda San Pedro Tunasan upang mapunta sa mga tao ang pag-aari ng mga lupain.
Sa kasamaang palad, hindi rin naitala ang petsa ng kanyang kamatayan.
MGA SANGGUNIAN:
Alvarez, Santiago. 1992. The Katipunan and the Revolution: Memoirs of a General. Translated by Paula Carolina Malay. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
de Los Santos, Epifanio. 1918. “Andres Bonifacio.” The Philippine Review (Revista Filipina) [Vol. 3, No. 1], 1918. https://quod.lib.umich.edu/p/philamer/acp0898.0003.001/50…
El Renacimiento: Diario Filipino. 1905. “Por La Independencia de Filipinas Memorial,” August 29, 1905. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/renc19050829-01.1.3
Guevara, Antonino. 2009. History of One of the Initiators of the Philippine Revolution. Translated by Onofre D. Corpuz. Manila: National Historical Institute.
“Guevara, Antonino M.” n.d. CulturEd: Philippine Cultural Education Online. Accessed December 20, 2022. https://philippineculturaleducation.com.ph/guevara…/.
Guevara, Antonino. 1907. “Dalawang Pagtutol.” El Renacimiento: Pahayagang Ganap Na Filipino, December 9, 1907. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/renx19071209-01.1.2
Guevara, Antonino. 1907. “Sagot Kay Ginoong Aquilino Carballo.” El Renacimiento: Pahayagang Ganap Na Filipino, November 21, 1907. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/renx19071121-01.1.2
G.A. 1907. “Mula Sa S. Pedro Tunasan: Tungkol Sa Hacienda Roon.” El Renacimiento: Pahayagang Ganap Na Filipino, November 8, 1907. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/renx19071108-01.1.2