#SusiNgNakaraan | ANG KAPISTAHAN NI SAN MIGUEL ARKANGHEL NG LANDAYAN
Nakikiisa ang Tanggapan ng Turismo, Kultura, at Sining ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Miguel Arkanghel ng Barangay Landayan. Ito ang pangalawang kapistahan ng Lolo Uweng Shrine na laan para sa pangalawang patron nito. Kasabay nito ang pagdiriwang rin ng ika-54 na taong anibersaryo ng pagiging parokya ng Pangdiyosesanong Dambana ni Hesus sa Banal na Libingan.
Sa teolohiya ng Kristiyanismo, Judaismo (kilala bilang si Mikha’el) at ng Islam (kung saan kilala siya bilang si Mikal o Mikha’il), si San Miguel ang isa sa mga pangunahing anghel ng Panginoon. Sa paniniwala ng mga Muslim, si Mikha’il ang ipinadala ni Allah kasama ni Jibril (o Gabriel sa mga Kristiyano) upang dalisayin ang puso ni Muhammad bago ang kanyang paglalakbay mula Mecca patungong Jerusalem, at ang malaon niyang pag-akyat sa langit. Para sa mga Kristiyano at mga Hudyo, si Miguel ang pinakapinuno ng lahat ng mga anghel at pangunahing tagapagtanggol ng lahat ng mga naniniwala sa kanya laban sa pang-aalipin ng mga demonyo. Dahil dito, siya ang itinuturing na pangunahing patron ng mga sundalo, pulis, at ng mga paramedics.
Sinasabing nagsimula ang kasalukuyang Simbahan ng Landayan noong panahon ng mga Espanyol bilang isang maliit na kapilya (visita) ng Simbahan ni San Pedro Apostol sa Barangay Poblacion. Tinatayang itinatag ito noong taong 1836, batay na rin sa pag-aaral na ginawa ni G. Joseph Garcia ng Pambansang Museo ng Pilipinas sa kampana ng simbahan. Bukod sa nakatala sa kampana na ginawa ito noong 1836, kapansin-pansin ring nakasulat sa katawan ng kampana ang mga salitang A VOC Đ D. G. M. ESTA PERTEN. AL SEPVLCRO DEL SITIO LANDAIAN, na nangangahulugang Advocacion de Dios Jesucristo Muerto esta Pertence at Sepulcro del Sitio de Landaian (Pamiminutuho sa Panginoong Hesukristo, na Namatay. Pag-aari ito ng Sepulcro sa Sitio Landayan). Batay rin dito, maaring masabi na sa taon ring iyon nagsimula ang pagdedebosyon kay Lolo Uweng, na noo’y tinatawag na Lelong Uweng. Naitala naman sa Historical Data Papers (HDP) na may itinayong kapilya sa Landayan noong 1875, ngunit sinira ito ng isang lindol noong 1890 at muling ipinatayo noong 1900. Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinasabing nagpagawa ng imahen ni San Miguel Arkanghel ang pamilya nina Felix at Patrona Oliver at pinasimulan ang pagdedebosyon nito sa naturang barangay. Nang malaon, ibinigay sa simbahan ng Landayan ng kanilang angkan ang naturang imahen, kung saan ito patuloy na nakalagak. Itinala rin ng HDP na muling ipinatayo ang kapilya ng Landayan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mula sa hurisdiksyon ng noo’y Diyosesis ng Lipa, napailalim ang simbahan ng Landayan sa noo’y bagong tatag na Diyosesis ng San Pablo noong 1966. Makalipas ang tatlong taon, dahil sa unti-unting lumalaking debosyon kay Lolo Uweng at matinding pangangailangang pastoral ng mga taga-Landayan, naglabas ng dekreto ang Obispo ng Diyosesis ng San Pablo na si Msgr. Pedro Bantigue na nagtatag sa kasalukuyang Parokya ng Sto. Sepulcro. Nakasaad sa dekretong ito na saklaw ng bagong Parokyang ito ang mga barangay ng Landayan, San Roque, at Cuyab. Itinalaga si Padre Saturnino Cay bilang unang kura paroko (1969-1973) ng simbahan, na sinundan naman nina Pdr. Leonardo Villa (1973-1981), Msgr. Nicomedes Rosal (1981-1984), Pdr. Rodolfo Lorico (Abril-Hulyo 1984), Msgr. Maximino Manalac (1984-1991, 1994-1998), Padre Alberto Ciolo (1991-1994), Pdr. Jose Segudo (1998-2003), Msgr. Fidel Menorca (Enero-Setyembre 2003), at Msgr. Jerry Bitoon (2003-2006). Taong 2006, matapos maghain ng isang petisyon ukol rito, itinalaga ni Obispo Leo Drona ang Simbahan bilang Dambanang Diyosesano, at iniluklok si Pdr. Jeremias Oblepias Jr. bilang unang Rektor (2006-2007) nito. Sinundan siya nina Msgr. Jose Barrion (2007-2013), Msgr. Melchor Barcenas, JCL (2013-2019), at ng kasalukuyang Rektor na si Pdr. Edgar Titoy. Taong 2013, inihiwalay ang Barangay Cuyab sa hurisdiksyon ng Simbahan ng Landayan dahil sa pagtatatag ng Our Lady’s Assumption Parish sa naturang barangay.
Bilang pagkilala sa natatanging pamimintuho rito ng mga tao, kinilala ng Laguna Tourism, Culture, Arts, and Trade Office (LTCATO) ang Dambana ni Lolo Uweng bilang may Second Highest Number of Same Day Visitors para sa taong 2022.
MGA SANGGUNIAN:
• “Barrio of Landayan.” n.d. Historical Data Papers. https://nlpdl.nlp.gov.ph/HD01/p22/cm24/b2/bs/datejpg.htm.
• “Cultural Heritage.” n.d. Lolo Uweng Shrine. Accessed September 29, 2023. https://lolouwengshrine.com/cultural-heritage.
• “History.” n.d. Lolo Uweng Shrine. Accessed September 29, 2023. https://lolouwengshrine.com/history.
• “Michael (archangel).” 2023. August 15, 2023. https://www.britannica.com/topic/Michael-archangel.
• “Mikal (Islam).” n.d. Accessed September 29, 2023. https://www.britannica.com/topic/Mikal.
• “Priests and Rectors.” n.d. Lolo Uweng Shrine. Accessed September 29, 2023. https://lolouwengshrine.com/priests-and-rectors.
• “St. Michael the Archangel – Saints & Angels.” n.d. Catholic Online. Accessed September 29, 2023. https://www.catholic.org/saints/saint.php?saint_id=308.