#SusiNgNakaraan | ANG BACOOR ASSEMBLY AT ANG LUNGSOD NG SAN PEDRO
Kahapon, 01 Agosto, ay ginugunita ang ika-125 taong anibersaryo ng Bacoor Assembly. Ito ay ang pagtitipon ng iba’t ibang mga presidente municipal (katumbas ngayon ng mga alkalde) sa noo’y punong-himpilan ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa Casa Cuenca (o Bahay na Tisa) sa Bacoor, Cavite upang pagtibayin ang naunang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong 12 Hunyo 1898. Nilagdaan ito ng mahigit sa 200 presidente municipal mula sa mga lalawigan ng Cavite, Manila (ngayo’y malaking bahagdan ng Kalakhang Maynila at kanlurang bahagi ng Rizal), Pampanga, Bataan, Laguna, Nueva Ecija, Morong (ngayo’y silangang bahagi ng Rizal), Tarlac, Batangas, Mindoro, Tayabas (ngayo’y lalawigan ng Quezon), Zambales, Pangasinan, La Union, at Infanta (ngayo’y bahagi ng mga lalawigan ng Quezon at Aurora). Nilagdaan rin ito ni Pangulong Aguinaldo at ng Kalihim ng Interyor na si Leandro Ibarra.
Kabilang sa mga kinatawan mula sa Laguna na dumalo sa nasabing pagpupulong ang San Pedrenseng si Gregorio Alvarez. Siya ang inihalal na presidente municipal ng San Pedro matapos magsagawa ng halalan ang mga puwersang Rebolusyonaryo. Pinangunahan ang nasabing eleksyon ni Heneral Paciano Rizal, katuwang ang San Pedrenseng si Antonino Guevara. Si Guevara rin ang tumulong sa paghahalal sa ilang mga presidente municipal sa silangang Laguna na kaanib ng Himagsikan, katulad nina Guillermo Vito (Majayjay), Ponciano Mercurio (Luisiana), at Luis Javier (Sta. Cruz). Kasama rin sina Vito at Mercurio sa mga lumagda sa deklarasyon sa Bacoor.
Ang dokumento ng proklamasyong ito sa Bacoor ang ipinadala sa iba’t ibang mga bansa upang kilanlin ang kalayaan ng Pilipinas. Ipinadala rin ito sa mga pinuno ng mga Hukbong Amerikano na nasa bansa.
Bilang paggunita, noong 2021, naglagay ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ng isang panandanang pangkasaysayan sa Plaza Mariano Gomes, Lungsod ng Bacoor. Inilimbag rin ni noo’y Komisyoner (ngayo’y Tagapangulo) Emmanuel Calairo ng NHCP ang isang libro na tumatalakay sa nasabing kaganapan. Inaprubahan na rin ng Kongreso ng Pilipinas ang House Bill No. 7986 na nagdedeklara sa 01 Agosto bilang “Promulgation of the Solemn Declaration of Philippine Independence”.
MGA SANGGUNIAN:
Alvero-Boncocan, Rhina and Diestro, Dwight David. 2002. Nineteenth-Century Conditions and the Revolution in the Province of Laguna. Quezon City: University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies.
Guevara, Antonino. 2009. History of One of the Initiators of the Philippine Revolution. Manila: National Historical Institute.
National Historical Commission of the Philippines. n.d. “Pagpupulong Sa Bacoor.” National Registry of Historic Sites and Structures in the Philippines (blog). Accessed August 2, 2023. http://nhcphistoricsites.blogspot.com/…/pagpupulong-sa….
Pino, Gladys. n.d. “Book Offering Turning Points in Bacoor History Launched.” Accessed August 2, 2023. https://www.pna.gov.ph/articles/1043459.