Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro, sa pangunguna ng Gender and Development (GAD) Office, ang Juana Walk 2025 noong Marso 10, 2025 (Lunes), bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Lumahok sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), iba’t ibang samahang pangkababaihan, mga opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod, pati na rin ang mga non-government at civil society organizations (NGOs at CSOs). Kasama rin ang iba’t ibang stakeholders na patuloy na sumusuporta sa mga programa at adbokasiya para sa kababaihan.
Ngayong taon, dala ng temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas,” binigyang-diin ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng lipunan. Nagsimula ang martsa mula sa City Plaza patungong City Hall bilang sagisag ng pagkakaisa at patuloy na adbokasiya para sa karapatan at kapangyarihan ng kababaihan.
Bilang bahagi ng programa, namahagi rin ng hygiene kits sa PNP at BJMP para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) bilang suporta sa kanilang pangangailangan.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro ang pagkakapantay-pantay at pagpapahalaga sa kontribusyon ng kababaihan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
#WEforGenderEqualityandInclusiveSociety