Agosto ng Buwan ng Kasaysayan at ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Nakikiisa ang Pamahalaang Lungsod ng San Pedro sa pagdiriwang ngayong Agosto ng Buwan ng Kasaysayan at ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Sang-ayon sa Executive Order No. 1041 s. 1997 ni Pangulong Fidel Ramos, ipinagdiriwang mula Agosto 1-31 ng bawat taon ang Buwan ng Wikang Pambansa. Ito ay bilang pagkilala sa kahalagahan ng Wikang Filipino hindi lamang sa pangaraw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino, kundi maging sa pagkamit ng kaunlaran ng ating bansa. Sa taong ito, bilang pagkilala sa ginagampanan ng mga Wika sa Pilipinas sa pagtataguyod bg isang bansang mapayapa, makatarungan, at handa sa mga sakuna, ipinasya ng Komisyon sa Wikang Pilipino na gawing tema ngayong taon ang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Samantala, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 339 s. 2012 ni Pangulong Benigno Aquino III, ipinagdiriwang na mula Agosto 1-31 ang Buwan ng Kasaysayan. Ito ay pagkilala naman sa mga mahahalagang kaganapan sa ating Kasaysayan na nagkataong naganap sa buwang ito. Bilang pagtalima sa 2022-2027 National Action Plan for Local History and Heritage Development (o Cebu Agenda), kinatigan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang rekomendasyon ng Local Historical Committees Network (LHCN) na gamiting tema sa taong ito ang “Pagpapalaya ng Kasaysayan para sa Sambayanan (Democratizing History for the People).” Ito ay upang himukin ang Sambayanang Pilipino na pahalagahan ang kanilang kasaysayan at kalinangan.

Abangan sa mga susunod na araw ang paglabas ng iba’t ibang mga aktibidad na io-organisa ng ating Pamahalaang Lungsod para sa mga nabanggit na pagdiriwang.

Para sa mga iba pang detalye ng mga magaganap ngayong Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika, mangyaring bisitahin lamang ang social media pages ng mga ahensyang nabanggit.

#SanPedroPAIO

#UnaSaLaguna

Scroll to Top