Binabati ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Turismo, Kultura, at Sinung ang National Historical Commission of the Philippines sa kanilang pagdiriwang ng ika-90 taong anibersaryo ngayong araw.
Nagsimula ang NHCP noong 1933 bilang Philippine Historical Research and Markers Committee. Binuo ito ni noo’y Gobernador Heneral (kalauna’y Mahistrado ng Korte Suprema ng Estados Unidos) Frank Murphy bilang tugon sa panawagan na protektahan ang mga makasaysayang pook sa Pilipinas. Inatasan ang komite na ito na maglagay ng mga panandang pangkasaysayan sa iba’t ibang mga makasaysayang pook sa bansa. Sa mga sumunod na dekada, kasabay ng pagdadagdag sa mga mandato nito, nakilala ang NHCP sa iba’t ibang pangalan: Philippines Historical Committee (1937-1965) National Historical Commission (1965-1974), at National Historical Institute (1974-2010). Kilala ito ngayon sa kasalukuyan nitong pangalan sa bisa ng Strengthening Peoples’ Nationalism Through Philippine History Act (Batas Republika Blg. 10086) na isinabatas noong 2010.
Sa kasalukuyan, tungkulin ng NHCP na maging pangunahing ahensya ng Pamahalaan sa pagsasagawa ng mga pananaliksik pangkasaysayan (historical research), pagpapalaganap ng kaalamang pangkasaysayan sa pamamagitan ng kasaysayang pangmadla (public history), pagprotekta at pagpreserba ng mga makasaysayang pook at kagamitan (historical conservation), regulasyon ng mga sagisag pampamahalaan (heraldry), at pangangalaga ng iba’t ibang mga Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan (National Historical Landmarks).
Muli, isang taos-pusong pagbati po mula sa amin sa San Pedro TCAO!