#SusiNgNakaraan | SI HENERAL MACARIO SAKAY AT ANG SAN PEDRO TUNASAN
Nakikiisa ang Tanggapan ng Turismo, Sining, at Kultura ng Lungsod ng San Pedro sa paggunita ngayong araw sa ika-116 na taong anibersaryo ng pagpanaw ng bayaning si Heneral Macario Sakay. Isa siya sa mga kasapi ng Katipunan na nakibaka laban sa mga Kastila at mga Amerikano hanggang sa kanyang kamatayan. Batay sa kanyang sertipiko ng kamatayan, siya ay 29 na taong gulang nang siya ay bitayin ng Pamahalaang Amerikano sa loob ng Bilibid Prison (ngayo’y Manila City Jail) sa Maynila.
Bagamat hindi pa rin tiyak ang ekstaktong petsa ng kanyang kapanganakan, iniulat ng Tanggapan ni Gobernador-Heneral James Francis Smith na ipinanganak si Sakay sa Tondo, Maynila noong Abril 10, 1877. Ayon naman sa panandang-pangkasaysayang ipinagawa para sa kanya ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, ipinanganak siya noong taong 1870. Bago ang pagsiklab ng Himagsikang 1896 ay nagtrabaho si Sakay bilang taga-gawa ng mga kalesa, sastre, barbero, at aktor sa ilang mga produksyon ng komedya at moro-moro sa Maynila. Nang pumutok ang Rebolusyon noong 1896, sumama siya kina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa Morong (ngayo’y bahagi ng lalawigan ng Rizal) upang labanan ang mga Kastila. Naging aktibo rin siya sa pagbubuo ng mga sangay ng Katipunan sa iba’t ibang mga bayan. Noong 1901,kasama siya ng ilang mga makabayang Pilipino sa pagtatatag ng naunang Partido Nacionalista na naglalayong isulong ang ganap na kalayaan ng Pilipinas. Taong 1902, umakyat siya sa mga kabundukan ng Timog Luzon at inihayag ang pagpapatuloy ng Himagsikan sa ilalim ng kanyang Republika ng Katagalugan. Kinumbinsi rin niya ang kanyang mga tagasunod na huwag magpagupit hanggat hindi nakakamit ng Pilipinas ang ganap na kalayaan. Makalipas ang ilang buwan, ipinasa ng Pamahalaang Amerikano ang Brigandage Act (Act No. 518), na naglalayong ipakulong ang mga “ladrones” o “bandido” na nagtatangkang magnakaw gamit ang dahas. Kasama ng Sedition Law of 1901 (Act No. 292), ito ang mga ginamit ng Pamahalaang Amerikano upang gipitin at usigin ang mga katulad ni Sakay na patuloy na nakikibaka laban sa mga mananakop.
Pagsapit ng taong 1904, naglunsad ng ilang opensibang pangmilitar ang pangkat ni Sakay laban sa mga Amerikano. Nagsagawa sila ng ilang pag-atake sa mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Batangas, at Laguna, Sa pangunguna ni Cornelio Felizardo, sinalakay ng mga tagasunod ni Sakay ang himpilan ng Philippine Scouts (mga sundalong Pilipino na naglilingkod sa US Army) dito sa San Pedro noong Nobyembre 12, 1904; dito ay itinakas nila ang isang bilanggo, nang-agaw ng tatlong baril, nakapatay ng isang pulis at iniwang sugatan ang apat na iba pa. Nasundan ito ng iba pang mga pagsalakay sa Paranaque, Rizal (Disyembre 8, 1904), Taal, Batangas (Enero 5, 1905), at San Francisco de Malabon (ngayo’y Lungsod ng Heneral Trias), Cavite (Enero 24, 1905). Dahil sa mga tagumpay na ito, nakatanggap sina Sakay ng pagsuporta mula sa mga Pilipino, lalo higit mula sa mga mahihirap. Sa kabilang banda, ito ang nagbunsod sa Pamahalaang Amerikano na lalong usigin sina Sakay; tumulong rito ang mga pulis ng San Pedro Tunasan, habang nagtayo naman ang Philippine Constabulary (ngayo’y Philippine National Police) ng pansamantalang distrito na binubuo ng mga lalawigang sinalakay nina Sakay. Nagsagawa rin ng sona (hard lockdown) ang mga Amerikano sa ilang bayan sa Laguna upang masupil ang paghihimagsik nina Sakay.
Humingi ng tulong ang mga Amerikano sa makabayang si Dominador Gomez upang kumbinsihin sina Sakay na ibaba ang kanilang mga armas. Ito ay batay sa kondisyon ng Philippine Organic Act of 1902 na kinakailangan munang magkaroon ng kapayapaan sa Pilipinas upang maitatag ang Pambansang Asembleya (ngayo’y Kongreso ng Pilipinas). Mula sa kanilang himpilan sa Tanay, Rizal, bumaba sina Sakay sa Maynila noong Hulyo 4, 1906 at mainit na sinalubong ng mga tao. Makalipas ang ilang linggo, noong Hulyo 17, 1906, habang nasa isang piging sa Cavite kasama si Gomez, inaresto sina Sakay ng mga Amerikano. Matapos ang isang paglilitis, noong Agosto 6, 1907 hinatulan ni Hukom Ignacio Villamor (kalauna’y unang Pilipinong Pangulo ng Unibersidad ng Pilpinas) sina Sakay ng kamatayan batay sa kanilang paglabag sa Brigandage Act. Bago bitayin, hiniling ni Sakay na “mabuhay nawa sa kinabukasan ang kalayaan.”
Sa loob ng ilang dekada, nagkaroon si Sakay ng reputasyon na “bandido” batay na rin sa mga maling paniniwala na ipinakalat ng mga Amerikano laban sa kanya. Pagsapit ng dekada ’70, unti-unting binago ng ilang historyador ang ganitong mga pananaw batay sa mga dokumento nina Sakay na unti-unti nilang nakalap. Nakadagdag rito ang pagpapalabas ng pelikulang Sakay (Alpha Omega Productions at Zeta Enterprises, 1993) na idinirehe ni Raymond Red at pinagbidahan ni Julio Diaz. Taong 2010, ipinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kauna-unahang monumento para kay Sakay sa Plaza Morga, Tondo. Makalipas ang anim na taon, sa bisa ng AFP General Order No. 30 s. 2016, ipinangalan kay Sakay ang Camp Eldrige sa Los Banos, Laguna.
MGA SANGGUNIAN:
• An Act Defining Highway Robbery or Brigandage, and Providing for the Punishment Therefor. 1902. Vol. Act No. 518. https://lawyerly.ph/laws/view/l81e9.
• An Act Defining the Crimes of Treason, Insurrection, Sedition, Conspiracies to Commit Such Crimes, Seditious Utterances, Whether Written or Spoken, the Formation of Secret Political Societies, the Administering or Taking of Oaths To Commit Crimes, or to Prevent the Discovering of the Same, and the Violation of Oaths of Allegiance, and Prescribing the Punishment Therefor. 1901. November 11, 1901. https://lawyerly.ph/laws/view/l8d1a.
• Blount, James Henderson. 1913. “The American Occupation of the Philippines: 1898–1912.” Project Gutenberg. 1913. https://www.gutenberg.org/…/36542/pg36542-images.html.utf8.
• Farolan, Ramon. 2019. “Our Long-Haired Freedom Fighter.” Inquirer.Net. September 16, 2019. https://opinion.inquirer.net/…/our-long-haired-freedom….
• Flores, Paul. 1996. “Macario Sakay: Tulisán or Patriot?” University of Aukland Faculty of Arts. 1996. https://artsfaculty.auckland.ac.nz/courses/online/?p=6382.
• Ileto, Reynaldo Clemeña. 1979. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City : Ateneo de Manila University Press. http://archive.org/details/pasyonrevolution00reyn.
• “Long Live the Long-Haired Hero!” n.d. Filipinas Heritage Library. Accessed September 13, 2023. https://www.filipinaslibrary.org.ph/…/long-live-the…/.
• National Historical Commission of the Philippines. n.d. “Macario Sakay (1870-1907).” National Registry of Historic Sites and Structures in the Philippines. Accessed September 13, 2023. http://nhcphistoricsites.blogspot.com/…/macario-sakay.html.
• Project Saysay. 2021. “Ngayong araw ay ginugunita natin ang ika-114 na araw ng kamatayan ng isang bayani na nagpahaba ng buhok hindi dahil trip-trip niya lang kundi dahil sa kaniyang ipinaglalaban: Macario Sakay…” Facebook. September 13, 2021. https://www.facebook.com/…/a.472489036…/4323553084388573.
• The Cablenews. 1907. “Why Two Hang Today and Two Escape Gallows The Governor General Gives Detailed Statement of His Reasons for Commuting Sentences of Ladrones,” September 13, 1907. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/cbln19070913-01.1.1
• The Cablenews. 1905. “Habeas Corpus Case Assistant Attorney General Harvey Presents Government’s Argument to the Court,” August 11, 1905. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/cbln19050811-01.1.4
• The Cablenews. 1905. “Felisardo Escapes Again Constabulary All But Capture Leader Brave Officers Rush Ladron Camp, Seizing Guns of the Ladrones,” June 23, 1905. https://gpa.eastview.com/…/newspapers/cbln19050623-01.1.2
• United States. Philippine commission (1900-1916) [from old catalog]. 1901. Sixth Annual Report of the Philippine Commission, 1905. Vol. 1. 4 vols. Washington, D.C.: Government Printing Office. http://archive.org/details/reportphilippin01unkngoog