Nagsagawa ng courtesy call noong Miyerkules, 17 Enero 2024 kay Mayor Art Mercado ang ilang mga opisyal ng Cultural Center of the Philippines sa pangunguna ng kanilang President ad interim na si Bb. Michelle Nikki Junia.
Isang San Pedrense at kilala sa larangan ng music education, inihalal siyang President ad interim ng CCP Board of Trustees noong Agosto 2023. Bago nito ay naglingkod siya bilang CCP Trustee simula 2016, at kabilang sa 14K scholars ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining Ryan Cayabyab. Nagtapos siya ng kanyang Bachelor in Music Education major in Voice mula sa Unibersidad ng Santo Tomas, at nagsanay sa ilalim ng mga kilalang voice coaches na sina Irma Ponce-Enrile Potenciano at Seth Riggs.
Napag-usapan sa kanilang pagpupulong ang mga maaring mga maging partnerships ng CCP at ng Pamahalaang Lungsod para sa pagpapaunlad ng sining at kultura sa Lungsod ng San Pedro. Ito ay batay na rin sa hangarin ni Bb. Junia na ilapit ang mga programang kultural ng CCP sa mga kabataan, anupaman ang kanilang kasarian o katayuang sosyo-ekonomiko.
Dumalo rin sa nasabing pagpupulong ang ilang mga kawani ng Tanggapan ng Turismo, Kultura at Sining sa pangunguna ni Officer-in-Charge Jhe-Rico Sam Colina.